top of page
Search

MANUNULAT LABAN SA KULTURA NG KARAHASAN AT KAWALANG-KATARUNGAN

  • Writer: culturevsviolence
    culturevsviolence
  • Aug 21, 2017
  • 3 min read

Mula sa LIRA Facebook Page. Ang LIRA ay ang Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo.

Hindi mamamatay-tao ang Filipino. Mabuti ang Filipino. Makatarungan ang Filipino.

Matagal nang bumabangon ang Filipinas sa mga umaga ng hindik at sindak. Sanay na ang bayan sa pagdating, hindi lámang ng mga natural na sakuna’t trahedya, kundi maging ng pananakot at banta ng Batas Militar at pagtugis. Ngunit may mga umagang humihiling ng mas masidhing pagbangon at pagkilos. Nitong mga nakaraang linggo, parang may hindi mahawing lambong sa buong bansa. Araw-araw ang ragasa ng dugo sa mga lansangan dahil sa kampanya kontra droga ng gobyerno, na kumitil na sa di iilang búhay, kabílang na ang kay Kian Loyd delos Santos, 17, ng Lungsod Caloocan. Ang natuklasan sa pamamagitan ng CCTV hinggil sa kaniyang kaso ay karima-rimarim na patunay ng kahangalan ng digmaang ito laban sa droga, na naglungsad sa pagkapangulo ni Rodrigo Roa Duterte, at nangako ng pangmatagalang pagbabago. Sa loob lámang ng 14 na buwan, libo na ang pinaslang nitong madugong kampanya ng kaniyang administrasyon.

Hindi na maipagkikibit-balikat pa ang mga pagpatay na ito. Samantalang walang tiyak ang bílang ng mga napapatunayang sangkot sa droga at naihahabla, lalong nanghihilakbot ang paglabas ng kuwento ng mga nadamay, lalo pa ng mga kabataan at walang muwang. Walang katarungan ang ganitong walang habas na proseso. Hindi naitutuwid ng pagkakamali ang mali na nása ubod ng problema sa droga. Hindi rin nakatutulong ang orkestradong imbensiyon ng kasinungalingan, mapagtakpan lámang ang brutalidad. Bawat tao ay may karapatan. Kailangan itong igalang. Hayaang batas ang humatol.

Sa araw na ito ng paggunita kay Benigno S. Aquino Jr., isa sa mga nabuwal para sa pagbabalik ng kalayaan, naninindigan kaming mga lumalagdang manunulat na Filipino sa tindig na ito para sa kapayapaan at katarungan. Sa panahong tila sadyang kinaliligtaan ng mga institusyon ang tungkulin pangalagaan ang taumbayan, tumitindig kami para sa paggalang sa karapatang pantao. Tumitindig kami para sa lahat ng biktima ng droga–ang mga nalulong at nasira ang búhay dahil dito; ang mga napipilitang kumapit sa patalim dahil sa kahirapan; ang mga hindi nabigyan ng pagkakataong makapagbago ng mapaghusgang lipunan; ang mga pamilyang nagluluksa para sa kanilang kaanak na nadamay sa labang hindi naman nila laban. Walang magwawagi sa walang katuturang digmaang ito. Lubhang kayrami na ng kahit isang napaslang na Filipino.

Tumitindig din kami para sa higit na pagpapalakas ng mga institusyonal na mekanismo para sa rehabilitasyon at pagpapaandar sa gulong ng batas. Ang problema ng droga ay sistemiko’t kailangang harapin sa isang sistematikong paraan, na siyang maaaring maging pangunahing sandigan lalo na ng mga walang yaman at kakayahan. Walang katarungan sa pag-apak sa mga hindi makalaban [kahit sinasabing nanlaban]. Walang masusugpo ang tapang-tapangan, lalo’t kung mabagsik lámang sa mahihirap at nása laylayan.

Tumitindig din kami para sa kalayaan sa pamamahayag at panunuligsa, lalo’t kung nagmumula naman sa dakilang mithiing magtuwid ng mali. Hindi rin makaturungan na nilulunod sa bayád na opinyon ang pagtuligsa. Wala ring katarungang dulot ang patuloy na pagmamangmang sa mamamayan sa lahat ng mga plataporma at pangmadlang midya. Kasáma rin naming tinitindigan ang mga pagpapatahimik sa mga pangunahing kritiko ng pamahalaang ito. Ipinaaalaala lámang: nagsisilbi ang pamahalaan sa kabuuang mamamayan, at hindi lámang sa mga bumoto sa mga nakapuwesto. Karapatan din ng nanunuligsa ang mapakinggan. Huwag ninyo kaming isantabi. Huwag ninyo kaming ipagwalang-bahala. Huwag ninyo kaming putulan ng dila.

Tumitindig kami para kay Kian. Tumitindig kami para sa lahat ng biktima ng digmaan para sa droga. Tumitindig kami para sa katarungan. Tumitindig kami para sa isang Filipinas na makatao, may hambal, at nagpapahalaga sa búhay ng bawat kapwa-tao.

 
 
 

Recent Posts

See All
Trabaho Lang

isnatcher holdaper akyat-bahay kidnaper carnaper hijacker mandurukot shoplifter bugaw-puta tulak-adik. kapit sa patalim kakampi...

 
 
 
Test

SUNDIN ANG PANUTO: Hawakan mo ang baril. Iputok mo. Takbo! Ilang gabing pinaglamayan, Binalik-aralan ang mga natutunan. Ngunit...

 
 
 

Comments


Featured Posts
Check back soon
Once posts are published, you’ll see them here.
Recent Posts
Archive
Search By Tags
Follow Us
  • Facebook Basic Square
  • Twitter Basic Square
  • Google+ Basic Square

CULTURE VS. VIOLENCE | COPYRIGHT 2017

bottom of page